Isa sa mga leader ng grupong Maute sa Marawi City ang pinaniniwalaang napatay sa nagpapatuloy na clearing operations ng militar.
Ayon kay AFP o Armed Forces of the Philippines Spokesman Brig. General Restituto Padilla, nagmula ang report sa Joint Task Force Marawi subalit bineberipika pa nila kung totoo ang impormasyong patay na si Abdullah Maute.
Hindi rin anya matiyak kung kailan napatay ang terrorist leader dahil kahapon lamang nila natanggap ang impormasyon.
“Kahapon may natanggap tayong balita na may napatay nga daw pong senior leader ng Maute pero sa ngayon po ay patuloy ang pag-validate natin sa ulat na yan.” Ani Padilla
Sa ngayon ang tanging kumpirmado ay nananatili sa Marawi ang Maute brothers na sina Abdullah at Omar maging si Abu Sayyaf Leader Isnilon Hapilon.
Ipinabatid rin ni Padilla na nasa dalawang (2) barangay na lamang naka-sentro ang puwersa ng mga terorista na siyang tinututukan ngayon ng mga operasyon ng militar.
Marawi rehabilitation
Sinimulan na ng Armed Forces of the Philippines o AFP, Department of Public Works and Highways-Region 10 at Office of the City Engineer ng Marawi City ang pagtatayo sa dalawang model house na gagamiting batayan sa konstruksyon ng 5,000 bahay para sa mga evacuee.
Ayon kay DPWH Region 10 resident engineer Abdulracman Paunte, noong isang linggo pa sinimulan ang ground work para sa relocation site habang inaasahang matatapos ngayong linggo ang mga model house na may kakayahang mag-accommodate ng tatlong pamilya kada gusali.
Ang relocation site anya ay may lawak na labing-isang ektarya na matatagpuan sa Barangay Sagongsongan, Marawi City at hinati sa limang area.
Aabot naman sa 1,000 bahay o unit ang kayang i-accommodate ng naturang lugar.
By Drew Nacino | Balitang Todong Lakas Interview