Patuloy pang inaalam ng AFP o Armed Forces of the Philippines kung sino ang napatay na senior leader ng Maute terrorist group sa Marawi City.
Ito’y ayon kay AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla kasunod ng impormasyong natanggap nila mula sa ground, pitumpung (70) araw mula nang sumiklab ang bakbakan sa lungsod.
Maliban dito, nakatanggap din sila ng impormasyon hinggil sa dalawang nakababatang Maute na sina Madi at Otto na pinaniniwalaang nasawi rin sa bakbakan noong isang linggo.
“Yan po ang mga nakukuha nating balita na sinasabi na yung dalawang kapatid ay namatay plus isa pang leader ng grupo na hindi natin batid ang pangalan, ito po ay salaysay ng mga nanggaling sa loob na nakatakas pero wala pa tayong nakukuhang kumpirmasyon, at hindi pa natin batid kung sino ito kaya patuloy ang ating pag-validate, pero pinaniniwalaan natin na andiyan pa ang mga liderato na patuloy na nakikipaglaban.” Ani Padilla
Sa ngayon ani Padilla, pahirapan pa rin ang pagpulbos ng militar sa mga terorista bagama’t dalawang barangay na lamang ang kontrolado nito dahil sa gumagamit sila ng bunker o underground bilang safe zone.
“Kontrolado natin ang palabas at papasok at sinisikap natin na ma-contain ito sa ganung paraan, ang mga istruktura diyan ay hindi biro, kung sa atin sa Luzon maaaring ang ginagamit na hollow blocks at de-kuwatro lamang, diyan po ay doble, hindi ito ang unang beses na nangyayari ngayon kaya ang mga kababayan natin diyan batay sa kanilang natutuhan sa mga naunang pag-atake diyan ay nagsagawa ng mga probisyon para makapag-survive sila kapag sila ay inaatake.” Pahayag ni Padilla
By Jaymark Dagala | Balitang Todong Lakas (Interview)