Umalma ang isang kongresista sa kapwa mambabatas na nagparatang na nawawala daw umano sa 2018 budget na isinumite ng Department of Budget and Management o DBM sa Kongreso na pondo para sa libreng edukasyon sa mga State Universities and Colleges SUC sa bansa.
Iginiit ni 1-Ang Edukasyon Party-list Congressman Salvador Belaro na ang budget para sa Commission on Higher Education o CHED para sa libreng matrikula sa kolehiyo ay mahahanap sa Page 4 ng 13-pahinang dokumento para sa CHED sa ilalim ng Tulong-Dunong Program at nagkakahalaga ito ng P5.86 billion via Special Provision No. 4.
Dagdag pa ni Rep. Belaro, may nakalaan ding pondo para sa programang Tulong Dunong ng gobyerno na nakapaloob naman sa budget ng bawat SUC.
Ang Tulong Dunong Program ang pangalang ibinigay ng CHED at ng DBM para sa libreng matrikula sa kolehiyo na programa sa nilagdaan nitong Joint Memorandum.
Hinihintay na lamang ang pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naturang panukalang batas upang agaran itong mapatupad sa mga susunod na taon.