Inamin ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board na nakatatanggap sila ng iba’t ibang pagbabanta tulad ng bomb threat.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, kabilang na rito ang nangyaring pagsabog ng isang IED o Improvised Explosive Device sa parking lot ng kanilang punong tanggapan sa Quezon City kung saan, dalawang sasakyan ang napinsala.
Ayon kay Delgra, matindi ang kanilang hinala na may kinalaman sa usapin ng mga TNVS o Transport Network Vehicle Service tulad ng Grab at Uber ngunit nilinaw niyang hindi nila alam kung sa panig ng mga pasahero o ng mga operator nagmula ang mga nasa likod niyon.
Kabilang na rin aniya sa mga tinitingnan nila ang mga galit na operators ng jeepney dahil naman sa pagtutol ng mga ito sa planong modernisasyon sa sektor ng transportasyon.
Gayunman, nanindigan si Delgra na patuloy nilang gagampanan ang kanilang mandato sa ilalim ng batas at isusulong ang kabutihan at kapakanan ng publiko.