Ikinalungkot ni Senador Juan Edgardo Angara ang pahayag ng economic managers ng Duterte administration na hindi kakayanin ang pondo para sa Free College Tuition Bill kaya’t inirerekomenda nila ang pag-veto rito ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Angara, Vice Chairman ng Senate Committee on Education na muli silang magpa-file ng panibagong Free College Tuition Bill kapag ivi-neto ng Pangulo ang naunang bill.
Inamin ni Angara na mahirap at imposibleng ma-over ride ng Kongreso sakaling i-veto ng Pangulo ang nasabing bill dahil two thirds votes sa Senado at Kamara ang kinakailangan dito.
Maganda anyang idea ang Free College Tuition Bill kaya’t nakakapanghinayang na mailibing na lamang ito.
Kabataan Partylist
Kinontra ng Kabataan Partylist ang pahayag at naging kwenta ni Budget Secretary Benjamin Diokno para sa pondong kakailanganin sa free tuition sa mga SUC o State Universities and Colleges.
Ayon sa Kabataan Partylist, sobra umano ang kuwenta ni Secretary Diokno na 100 bilyong pisong pondo para sa nasabing panukalang free tuition.
Sinabi kasi ng kalihim na hindi kakayanin ng gobyerno na pondohan ang ganito kalaking halaga.
Ngunit anila kahit na 100 bilyong pisong pondo pa ang kakailanganin, marami naman umanong mapagkukunan ng pondo kung gugustuhin.
Nakatakdang makipag-usap sa Agosto 7 ang Kabataan Partylist kay Pangulong Duterte kaugnay sa isyu.
Ayon naman sa ilang mambabatas, may tiyansa pa ring maipasok ang budget para sa free higher education dahil umpisa pa lang ng mga budget hearing at kailangan pang dumaan sa komite, plenaryo at bicameral.
By Judith Larino / Arianne Palma / may ulat ni Cely Bueno (Patrol 19)