Nagtugma sa ilang findings ng PNP-Crime Laboratory Autopsy Report ang testimonya ng isa umanong survivor sa inilunsad na raid ng Ozamiz City Police na ikinasawi ni Mayor Reynaldo Parojinog Sr. at 16na iba pa.
Gayunman, lumabas sa autopsy report na hindi binaril ng malapitan ang mga Parojinog taliwas sa pahayag ni alyas Cesar.
Ayon kay Senior Supt. Leocy Mag-Abo, hepe ng PNP Crime Laboratory Region 10, pawang nagtamo ng blast injury dahil sa granada sina Mayor Parojinog, asawang si Susan, mga kapatid na sina Mona at Octavio.
Pero hindi naman anya tinamaan ng bala sina Octavio at Mona bagkus ang alkalde at asawa nitong si Susan ang nagtamo ng gunshot wounds na kanilang ikinasawi.
Dalawang bala aniya sa dibdib at mukha ang tumapos sa buhay ng alkalde habang tinamaan sa kaliwang mata si Susan na tumagos sa likod ng ulo nito.
Samantala, narekober naman ng PNP-Scene of the Crime Operatives Region 10 ang isang pin ng granada sa daliri ng isa sa mga bodyguard ng alkalde.
Indikasyon ito na nagmula sa panig ng mga Parojinog ang pampasabog taliwas sa pahayag ni Cesar na hinagisan sila ng mga pulis ng granada.
By Drew Nacino