Ibinasura ng 8th Division ng Court of Appeals ang hirit na TRO o Temporary Restraining Order ng suspendidong si ERC o Energy Regulatory Commission Chairman Jose Vicente Salazar.
Hindi nakumbinsi ng kampo ni Salazar ang Appelate Court sa kaniyang mga karapatan makatapos siyang patawan ng 90 araw na suspensyon ng Malakaniyang dahil sa mga umano’y alegasyon ng katiwalian.
Magugunitang inireklamo si Salazar ng paglabag sa Electric Power Industry Reform Act of 2001 at Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa renewal ng Pitong electric power purchase agreement sa pagitan ng ERC at iba’t ibang kumpaniya.
Naging kontrobersyal din ang pangalan ni Salazar na itinuturong sanhi umano ng pagpapatiwakal ng yumaong dating ERC Director Francisco Villa Jr bunsod ng pagpipilit nitong aprubahan ang ilang kuwesyunableng kontrata sa komisyon.