Maagang pumuwesto sa mga lansangan sa Metro Manila ang mga militanteng grupo ngayong araw na ito.
Sinasabing papalo sa 30,000 ang pinakamalaking buhos ng mga lumalahok sa mga rally sa huling State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Noynoy Aquino.
Alas-3:00 pa lamang kaninang madaling araw ay nagtipun-tipon na ang mga raliyista sa Elliptical Road sa Diliman, Quezon City.
Alas-6:30 ng umaga nang magsimula namang maglakad ang mga raliyista papuntang Batasang Pambansa.
Ayon kay Roman Polintan, Chairman ng Bayan-Central Luzon, wala silang nasilayang daang matuwid sa loob ng 5 taong panunungkulan ng Pangulong Aquino.
Hanggang ngayon aniya ay bigo ang gobyerno sa pangako nitong ipamahagi ang lupain sa Hacienda Luisita kasabay ang panununog sa MRT effigy.
Kasama rin sa protesta ang grupong PISTON na tinawag na pampapogi ang sunud-sunod na rollback sa presyo ng langis.
Kaugnay nito, maagang ipinuwesto din ng mga otoridad sa kahabaan ng Commonwealth Avenue ang mga harang sa mga protesta.
Kaugnay ito sa huling SONA ng Pangulong Noynoy Aquino ngayong araw na ito.
Kabilang sa mga inilatag na harang ng mga pulis ang mga razor at barbed wire.
Patuloy pa ring tinitiyak ng mga otoridad ang pagpapairal ng maximum tolerance sa mga pagkilos ngayong araw na ito.
By Judith Larino