Nahaharap sa isang malaking kontrobersya ang Commission on Elections o COMELEC.
Ito’y makaraang ibunyag ng asawa ni COMELEC Chairman Andres Bautista na mayroon umano itong ill-gotten wealth.
Naghain ng affidavit si Patricia Paz Bautista sa National Bureau of Investigation na nagsisiwalat na maaaring humakot ng hanggang 1 billion pesos ang kanyang mister.
Isinumite ni Paz ang kanyang affidavit noong Agosto 1, limang araw matapos makausap sa Malacañang si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pulong sa Palasyo, inihayag ng misis ni Bautista ang pagkakadiskubre niya sa ilang passbooks sa bangko ng kanyang asawa na hindi naman kasama sa Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN.
Nakadeklara sa SALN ng COMELEC Chairman ang 176.3 million pesos na halaga ng ari-arian at cash.
Kabilang sa mga isiniwalat ni Patricia kay Pangulong Duterte ang 35 Luzon Development Bank accounts ng mister na aabot sa 329 million pesos; foreign currency account sa RCBC na aabot sa 640,000 pesos o 12,000 dollars; RCBC peso account na nagkakahalaga ng 257,000 pesos; HSBC account na aabot sa 948,000 Hong Kong dollars o 6.1 million pesos; condominium unit sa Bonifacio Global City Taguig at condo unit sa San Fransisco, California, USA.
‘Not true’
Sa panayam naman ng DWIZ ay mariing itinanggi ni Bautista ang mga paratang ng asawa.
Aniya matagal na silang may problema ng misis dahil sa third party at ngayon umano ay nababahiran na ito ng pulitika.
“Hindi totoo yung mga paratang na hindi nakalagay sa SALN, sa labang ito kasama ko po ang buong pamilya ng mga Bautista at pati na rin ang kanyang pamilya na Cruz-Vasquez. Ipapakita namin na isa itong kaso ng pangingikil at panggigipit, ako po ang biktima dito, biktima ng pagtataksil at panggagahasa sa aking sariling pamamahay, ninakawan ka ng anu-anong bagay sayong sariling pamamahay. Ito ay nangyari 10 buwan na ang nakalipas at may mga dokumentong ninakaw, dinoktor at inembento para sa kanilang pangingikil, itong lahat ay patutunayan namin sa tamang panahon at sa tamang lugar.” Pahayag ni Bautista
Blangko si Bautista sa basehan ng pagsisiwalat ng kanyang asawa, aniya alam naman ni Patricia na mayroon siyang co-investment kasama ang kanyang mga magulang at mga kapatid.
Naniniwala si Bautista na may gumagamit sa kanyang asawa para siya’y sirain.
“Ganid na ang pumasok at humihingi ng napakalaking halaga. Malapit na kaming dati magkaayos tapos biglang last minute eto na naman hihingi na naman ng mas malaking halaga, sabi ko hindi ko pera yung iba diyan, yan ay pera ng aking pamilya at hindi ko puwedeng kunin ang pera nila.” Dagdag ni Bautista
Sa kabila nito ay tiniyak ni Bautista na hindi maaapektuhan ng isyu ang kanyang trabaho bilang COMELEC Chairman.
“Matagal ko nang pinapasan na krus ito at kahit pano ay yung mga halalan natin ay maayos, I try to decompartmentalize yung personal sa professional, sa aking palagay naman ay maayos ang pamamalakad ko sa COMELEC. Sa kahit anong posisyon, hindi po tayo kapit tuko, kung sa aking palagay ay hindi na ako epektibo ay wala namang problemang tayo’y magbitiw, pero sa kasong ito, alam kong wala akong ginawang masama.” Ani Bautista