Posibleng maharap sa impeachment si Commission on Elections o COMELEC Chairman Andres Bautista matapos isiwalat ng kanya mismong misis ang diumano’y mga pruweba ng mga tagong yaman na maaaring umabot sa P1.3 bilyon.
Sa affidavit na isinumite ni Patricia Paz ”Tish” Bautista noong August 1 sa National Bureau of Investigation, ibinunyag nya ang mga dokumentong nagsasaad ng mga samu’t saring mga ari-arian ng asawa – mga condominium, bank deposits, off-shore accounts, stocks, at mga lupain na hindi naman nakasaad sa Statement of Assets, Liabilities, and Net worth (SALN) ni Chairman Bautista.
Base sa 2016 SALN ng COMELEC Chairman, umabot lamang sa P176.3 milyon ang yaman nito.
Binanatan naman ni AANGAT TAYO Party-list Congressman Neil Abayon si Bautista. Sa statement na inilabas ni Abayon, pinalutang niya na posibleng bunga umano ng mga nakalipas na kasalanan ni Chairman Bautista ang mga account na nadiskubre ni Mrs. Bautista.
“Could this glaring and seemingly incriminating evidence presented by no less than his lawful wife be indicative of the fruits of Chairman Bautista’s past sins?” Sabi ni Abayon sa isang statement.
Nakahanap naman ng kakampi sa Kamara si Bautista kay 1-Ang Edukasyon Congressman Salvador Belaro na dating kasamahan ni Bautista sa Philippine Association of Law Schools noong pareho pa silang dekano ng kani-kanilang College of Laws.
Sabi ni Belaro na dati ring Commissioner ng Integrated Bar of the Philippines, maaring may nalabag daw na rules on evidence sa kasong ito. Una na rito ang client-lawyer confidentiality rule. Maaari umanong ang mga nakita ni Mrs. Bautista ay mga dokumentong pag-aari ng mga dating kliyente ni Bautista noong nag-aabogado pa ito.
Ikalawa, maaaring nalabag din ang marital confidentiality rule. Dahil dito hindi pwedeng tumestigo sa hukuman ang asawa laban sa asawa lalo na’t ang ebidensya ay nakalap noong may bisa pa ang kanilang kasal.
Sina Abayon at Belaro ay kapwa kasapi ng House Justice Committee na didinig sa impeachment complaint laban kay Chairman Bautista kapag inihain na ito sa House of Representatives.