Pormal nang naiprisinta ng Pilipinas sa North Korea ang posisyon ng ASEAN Foreign Ministers kaugnay sa isyu sa Korean Peninsula.
Nagkaharap sina Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at North Korea Foreign Minister Ri – Yong – Ho para personal na maipaabot dito ang matindi at seryosong pagkabahala ng ASEAN laban sa ginagawa nitong nuclear test.
Kasabay ito ng panibagong sanction na ipinataw ng United Nations Security Council sa NoKor dahil sa magkakasunod na ballistic missile test na ginawa nito noong Hulyo.
Sa inilabas naman na statement ng NoKor, sinabi ni Ri na walang balak ang Pyongyang na pagbantaan o gamitin sa ibang bansa ang kanilang mga nuclear weapons.
Iginiit nitong ang naturang mga missile ay bilang paghahanda sa anumang ilulunsad na pag-atake ng Amerika laban sa NoKor.
Madadamay lamang aniya ang ibang bansa kung makikibahagi ito at susuporta sa military action ng US laban sa Pyongyang.
By Rianne Briones