Iginiit ni Senate Majority Floor Leader Tito Sotto na nais lamang niyang mabusisi ang batas ukol sa pagsusumite ng SALN o Statement of Assets, Liabilities and Networth ng mga opisyal ng gobyerno.
Ito ay kasunod ng paghahain ni Sotto ng resolusyon na nagsusulong ng imbestigasyon ng senado sa umano’y tagong yaman ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andy Bautista.
Ayon kay sotto, nagkakamali ang mga nagsasabing walang hurisdiksyon ang senado para imbestigahan ang nasabing usapin dahil isang impeachable official si Bautista.
Ani Sotto, wala siyang pakialam kung guilty man o hindi si Bautista, ang mahalaga aniya ay mabusisi ang batas sa paghahain ng SALN para makita kung bakit hindi nakapagdedeklara ng tama ilang opisyal ng pamahalaan.
Dagdag pa ng senador, baka isipin ng publiko na umiiwas lamang ang senado na masilip o mabuksan ang posibleng dayaan noong 2016 Elections kung pipigilan ang pag-iimbestiga kaugnay sa kontrobersya kay Bautista.
By Krista De Dios | Ulat ni Cely Bueno