Idineklara ng Malakanyang ang buwan ng Agosto bilang ASEAN Month at ang mga araw ng Agosto 7 hanggang 13 na ASEAN Week.
Ito ay upang gunitain ang ASEAN o Association of Southeast Asian Nations kung saan isa ang Pilipinas sa founding at active member nito.
Sa ipinalabas na Proclamation Number 282 ni Pangulong Rodrigo Duterte, na may petsang Hulyo 31, layun ng ASEAN month ang itaguyod at palakasin ang kaalaman ng publiko sa ASEAN.
Gayundin, ang pagbibigay diin sa kahalagahan ng ASEAN para makamit at mapanatili ang kapayapaan at pag-unlad sa Southeast Asia.
Inaatasan din nito ang mga ahensya ng gobyerno partikular ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Education (DepEd), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Tourism (DOT), Department of Trade and Industry (DTI) at Commission on Higher Education (CHED) na magsagawa ng mga programang magpapalakas sa kaalaman ng publiko sa ASEAN month.