Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR laban sa pagkain ng shellfish sa 7 lugar na nagpositibo sa red tide toxins.
Ito ay matapos na makumpirmang nasawi ang isang lalaki matapos na kumain ng tahong mula sa katubigan ng Taytay, Palawan.
Ayon kay BFAR Fisheries Resource Management Division Chief Sandra Arcamo, posibleng maraming nakaing tahong ang biktima kaya’t agad itong nasawi kahit pa nadala sa pagamutan.
Kaugnay nito tinukoy ng BFAR ang mga lugar na may red tide, ang Irong Irong Bay sa Western Samar; Inner Malampaya Sound sa Taytay Palawan; Puerto Princesa Bay sa Palawan; katubigang bahagi ng Mandaon, Masbate; Katubigang bahagi ng Placer, Masbate; Siit Bay sa Negros Oriental at Balite Bay sa Mati, Davao Oriental.
Sinabi naman ni Arcamo na tanging alamang at shellfish lamang ang ipinagbabawal na ikonsumo at nananatiling ligtas pa ring kainin ang isda, pusit at alimango na makukuha sa naturang mga lugar basta’t lilinisin itong mabuti at tatanggalin ang laman loob.
By Rianne Briones