Hindi na bago ang impormasyon sa umano’y plano ng CIA o Central Intelligence Agency ng Amerika na pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pwesto.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella kasunod ng pagbubunyag ng NDFP o National Democratic Front of the Philippines sa nasabing plano ng Estados Unidos.
Ayon kay Abella simula pa lamang ng unang araw na maupo sa pwesto si Pangulong Duterte ay may kumakalat nang katulad ng nasabing impormasyon.
Kasabay nito, tinawag na pathetic o kaawa-awa ni Abella ang pagsama ng NDFP sa kanilang grupo sa naturang usapin.
Hindi naman direktang sinagot ni Abella kung dapat bang ikaalarma ng pamahalaan ang umano’y plano ng CIA laban kay Pangulong Duterte.