Nakukulangan pa din ang mga senador sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Noynoy Aquino, kahit na umabot ito ng mahigit sa dalawang oras.
Ayon kina Senator Grace Poe at JV Ejercito, ito ay dahil hindi pa din binanggit ng pangulo ang Freedom of Information Bill, na matagal nang nakapasa sa senado.
Sinabi din ni Poe na kanyang inaantay na kilalanin ng Pangulo, ang kalbaryo ng mga mananakay ng MRT, at aminin na mayroong pagkukulang ang mga opisyal na namamalakad dito.
Hinintay din ni Ejercito ang pagkilala ng Pangulo kay Vice President Jejomar Binay, na kahit na nagkahiwalay ng landas, ay naging bahagi naman ng kanyang administrasyon.
Samantala, umasa din si Senate Committee on Ways and Means Chairman Sonny Angara na mababanggit ng Pangulo ang pagpapasa ng panukalang batas, na magpapababa sa tax bracket ng mamamayan.
By Katrina Valle | Cely Bueno (Patrol 19)