Inabswelto na ng Sandiganbayan si Senador JV Ejercito at iba pang mga kasamahan nito sa kasong technical malversation.
Kaugnay ito sa umano’y ilegal na paglipat ng 2.1 million pesos calamity fund sa pagbili ng mga mataaas na uri ng armas noong Mayor pa ito ng San Juan.
Batay sa desisyon ng Sandiganbayan 6th Division, nabigo ang prosekusyon na lubos na patunayan ang pagkakasala ni Ejercito at mga kasamahan nito.
Maliban kay Ejercito, pinawalang sala din ng Anti-Graft Court mga kapwa akusado nito na sina Francisco Zamora, dating San Juan City Councilors Angelino Mendoza, Rolando Bernardo, Andoni Carballo, Vincent Pacheco, Dante Santiago, Grace Pardines, Domingo Sese, Francis Peralta, Edgardo Soriano, Jannah Ejercito-Surla, Ramon Nakpil at Joseph Christopher.
Ikinatuwa naman ni Ejercito ang naging desisyon ng Sandiganbayan.
Aniya patunay lamang ito na inosente siya sa mga akusasyong ibinabato laban sa kanya at patunay na patas pa rin ang judicial system sa bansa.
Pinasalamatan ni Ejercito ang mga mahistrado sa pananatiling totoo sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Ngayon aniyang malinis na ang kanyang pangalan ay tiniyak ni Ejercito na magpapatuloy ang kanyang trabaho at dedikasyon na mapabuti pa ang transportasyon, pabahay, programang pang-kalusugan at edukasyon sa bansa.
By Ralph Obina | (May mga ulat nina Cely Bueno at Jill Resontoc)