Mananatili pa ring pinuno ng Ozamiz City Philippine National Police (PNP) si Chief Inspector Jovie Espenido.
Ito ay ayon kay PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa matapos makatanggap ng mga paki-usap mula mismo sa mga residente ng Ozamiz City na huwag paalisin sa lungsod si Espenido.
Ani Dela Rosa, nababahala ang mga residente ng Ozamiz City na baka resbakan sila ng mga taga suporta ng Parojinog tulad ng Kuratong Baleleng at Ozamiz Robbery Group oras na umalis si Espenido sa lungsod.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit agad na bumalik ng Ozamis si Espenido matapos na parangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Camp Crame.
Magugunitang, sinabi mismo ni Dela Rosa na pinag-aagawan na si Espenido sa iba’t ibang lugar sa bansa matapos na mapatay ang mga umano’y narco-Mayor mula Albuera Leyte at Ozamiz City.