Kinalampag ng grupong Promotion of Church People’s Response (PCPR) ang DOJ o Department of Justice upang hilingin ang pagpapalaya sa kanilang obispo na si Bishop Carlo Morales ng IFI o Iglesia Filipina Independiente.
Si Bishop Morales ay inaresto ng mga tauhan ng AFP o Armed Forces of the Philippines noong Mayo 11 ng kasalukuyang taon sa Ozamiz City dahil sa umano’y pag-iingat ng mga pampasabog.
Ayon sa grupo, nakasama lamang si Bishop Morales nang damputin ng militar si Rommel Salinas na isa sa sinasabing consultant ng NDFP o National Democratic Front of the Philippines sa Mindanao.
Iginiit ng grupo, iligal ang ginawang pag-aresto kina Morales at Salinas dahil protektado naman ang mga ito ng JASIG o Joint Safety and Immunity Guarantees bilang mga consultant ng NDFP na nagsusulong ng peace talks sa pamahalaan.
Kasunod nito, nanindigan ang grupo na gawa-gawa lamang ng militar ang mga akusasyon laban sa naturang obispo makaraang hilingin ni Solicitor General Jose Calida sa hukuman na muling ipaaresto ang mga nakalalaya pang NDF consultant.