Naghahanda na ang Department of National Defense (DND) sa plano ng North Korea na pagpapakawala ng missile nito patungong Guam na teritoryo ng Amerika.
Ito’y sa harap na rin ng umiinit na tensyon sa pagitan ng Amerika at ng NoKor bunsod ng tila paghahamon nito ng digmaan dahil sa sunud-sunod na missile test ng Pyongyang.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, duda siya na accurate o kalkulado ng NoKor ang kanilang mga missile at nangangamba mismo si Pangulong Rodrigo Duterte na baka ito’y sumablay.
Kaya’t pangamba ng Pangulo, baka sa Pilipinas bumagsak ang nasabing mga missile sa halip na sa Guam at tiyak na magdudulot iyon ng matinding pinsala.
Bagama’t hindi makumpirma ni Lorenzana kung may makukuhang tulong ang Pilipinas mula sa Amerika sakaling magkagulo, sinabi ng kalihim na mabuti nang handa kaysa mahuling nakanganga.