Kasado na ang Metrowide Shake Drill na pangungunahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bukas, Hulyo 30.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mina Marasigan, handing-handa na hindi lamang ang MMDA kundi maging ang mga ahensya ng pamahalaan, LGU’s, private sectors, volunteers at maging ang publiko.
Ganap na alas-10:30 ng umaga sabay-sabay na patutunugin ang mga kampana ng simbahan at sirena ng mga bumbero gayundin ang recording ng earthquake sound sa mga istasyon ng radyo hudyat ng pagsisimula ng syncronized shake drill sa loob ng 45 seconds kung saan magsasagawa ang lahat ng drop, cover and hold.
“Ang inaasahan natin ay 10:30 AM ay isi-synchronize natin dito sa ating Philippine standard time, meron tayong 45 seconds na gagawa tayo ng drop, cover and hold.” Ani Marasigan.
Hinikayat naman ni Marasigan ang publiko na makiisa sa ikakasang metrowide shake drill.
Makikiisa din sa aktibidad ang ilang regional heads ng Office of the Civil Defense para response, relief at rebuilding efforts na gagawin sa 4 na main area sa Metro Manila.
“Itong north south east and west pattern, magkakaroon ng mga iba’t-ibang scenario, at ito naman ay makikita at iso-showcase nila bukas.” Dagdag ni Marasigan.
MMDA
Ayon naman kay MMDA Chairman Francis Tolentino, sisimulan ang drill sa pamamagitan ng hudyat ng lahat ng bumbero sa Metro Manila.
Mayroon na rin aniya silang ipadadala na audio sa mga radio at TV station na miyembro ng Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas (KBP) bilang hudyat ng pagsisimula ng aktibidad.
“Lahat po ng bumbero sa Metro Manila uugong po ‘yan, mga kampana po ng simbahan tutunog, pero meron kaming ipadadala sa Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas mamaya, hindi lang po namin ipinadadala kasi baka mapatugtog na at magkalituhan, ‘yun po ang maghuhudyat at exactly 10:30 na simula na po ng drill.” Ani Tolentino.
Inaasahang 7 milyon ang lalahok sa shake drill habang mayroon namang 1 milyong mga volunteer ang siyang magbibigay ng ayuda sa aktibidad.
Magsisimula ang metrowide shake drill sa hudyat ng sabay-sabay na sirena ng mga ambulansya, pagpapatunog sa kampana ng mga simbahan at anunsyo sa telebisyon at radyo.
“Pati rin ‘yung mga malls, sabay-sabay po ‘yan at exactly 10:30 ng umaga bukas at alas-8:00 naman ng gabi sa Ortigas business district sa Pasigm papatayin po ‘yung ilaw, so malakihan po ito.” Dagdag ni Tolentino.
Bagama’t sa kabuuan lamang ng Metro Manila gagawin ang naturang shake drill ay magkakaroon pa rin ng partisipasyon ang mga kalapit lalawigan.
“Marikina po, isa sa mga magre-rescue sa Marikina bukas ay ang rescue team ng Rizal, sa Manila, yung exercise sa Manila Bay, kung saan ihahatid sa isang sasakyang pandagat ang mga biktima, tutulong po ang rescue team ng Bulacan.” Paliwanag ni Tolentino.
By Mariboy Ysibido | Rianne Briones | Ratsada Balita | Drew Nacino | Kasangga Mo Ang Langit
Photo Credit: newsinfo.inquirer.net