Naglagay na ng dalawang quarantine checkpoint sa bayan ng San Luis, Pampanga matapos makumpirma ang bird flu outbreak sa lalawigan.
Ipinuwesto sa magkabilang entry at exit point ng Barangay San Carlos sa nabanggit na bayan ang mga checkpoint upang siguruhing walang makalalabas na anumang klase ng ibon na hinihinalang nagdadala ng avian flu virus mula sa nasabing lugar.
Kahapon, kinumpirma ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang unang bird flu outbreak sa San Luis.
Ani ng kalihim, nasa anim na poultry farm sa Barangay San Carlos at Santa Rita ang apektado ng outbreak kung saan nasa higit 30,000 ibon kabilang na ang mga pugo at pato, ang namatay dahil sa virus.
Sa ngayon, patuloy na binabantayan ng DOH o Department of Health ang bayan ng San Luis upang maiwasan ang pagkalat ng virus.