Umapela ang Malacañang sa publiko na manatiling mahinahon subalit maging mapanuri sa gitna ng bird flu o avian influenza outbreak sa San Luis, Pampanga.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, dapat magtungo sa pinakamalapit na health center o ospital at sumailalim sa laboratory test ang sinumang residente sa mga apektadong lugar kung na-exposed sa patay na manok at tinamaan ng sakit tulad ng trangkaso o kahalintulad nito.
Pinaigting na aniya ang surveillance sa loob ng 7-kilometer radius ng mga apektadong manukan at poultry farms sa San Luis.
Sa ngayon ay wala pang naitatala ang Department of Health o DOH na nagkaroon ng bird-to-human contamination.
Samantala, matumal pa rin ang bentahan ng manok sa ilang pamilihan sa Metro Manila sa gitna ng avian influenza outbreak sa San Luis, Pampanga.
Sa pag-iikot ng DWIZ sa Mega Q-Mart, Quezon City, bumaba sa 120 pesos ang presyo ng kada kilo ng manok mula sa dating 140 hanggang 160 pesos kada kilo o bago napaulat ang pagkalat ng bird flu virus.
Sa monitoring naman ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association at Samahang Industriya ng Agrikultura, bumaba 110 pesos ang wholesale price ng kada kilo ng manok mula sa dating 125 pesos kada kilo.
Sa kabila nito, inihayag ni Trade Secretary Ramon Lopez na stable ang presyo ng manok sa mga palengke maging sa mga supermarket.
Idinagdag pa ni Lopez na batay sa abiso ng Magnolia at Bounty Fresh suppliers, hindi sila apektado ng bird flu outbreak.
By Drew Nacino | may ulat ni Jopel Pelenio (Patrol 17)