Umaasa ang AFP o Armed Forces of the Philippines na mahuhuli pa rin nila ng buhay ang tinaguriang ISIS Emir at Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon.
Ito’y makaraang kumpirmahin ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo na buhay pa si Hapilon at nananatili pa rin ito sa Marawi City.
Dahil dito, lalong tumindi ang pagnanais ng mga sundalo na mabawi ng tuluyan ang Marawi mula sa kamay ng mga terorista na nananatili pa sa dalawang barangay sa nasabing lungsod.
Magugunitang si Hapilon ang dahilan ng isinagawang operasyon ng pulisya kaya’t sumiklab ang matinding bakbakan sa Marawi City mahigit dalawang buwan na ang nakalilipas.
Umano’y planong pambobomba ng Amerika sa Marawi fake news – DND
Pekeng balita umano ang umiikot hinggil sa umano’y paggamit ng drone ng Amerika para bombahin ang mga elemento ng Maute-ISIS terrorist group sa Marawi City.
Iniulat ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa pagdinig ng house appropriations committee hinggil sa budget ng Department of National Defense (DND) na itinanggi na ng pentagon ang nasabing ulat.
Giit ni Lorenzana, hindi basta-basta gagamit ng drone ang US Armed Forces lalo’t kung hindi naman iyon aprubado ng kanilang national government.
Samantala, itinanggi rin ni AFP Chief of Staff General Eduardo Año ang umano’y ginagawang pangha-harass ng militar sa mga eskuwelahang pinatatakbo ng mga katutubong Lumad.