Mas napahanga pa ng Kapamilya actress na si Kathryn Bernardo ang kanyang leading man at rumoured boyfriend na si Daniel Padilla.
Sa isang panayam kay Daniel, mariing sinabi nitong hindi madali ang ginagawang sakripisyo ni Kathryn para ma-achieve ang hairstyle nito sa primetime series na La Luna Sangre.
Aniya, bine-braid muna ang orihinal na buhok ni Kathryn ng sobrang higpit pagkatapos ay ididikit na ang wig.
Dagdag pa ni Daniel, suot ni Kathryn araw-araw ang nasabing wig simula 7:00 ng umaga hanggang 2:00 ng madaling araw.
Kaya’t dama aniya niya ang hirap ni Kathryn lalo pa’t mainit ang panahon ngayon dahil maging siya ay sumuko sa bigoteng nilagay sakanya.
Saludo umano siya sa binibigay na passion at pagmamahal ng aktres sa kanyang trabaho.
Ginawa ni Daniel ang kanyang pahayag dahil sa dami ng pumupuna sa kontrobersyal na hairstyle ni Kathryn sa naturang programa.
Ang La Luna Sangre ay nakakuha ng mataas na rating sa Kantar at AGB Nielsen.