Na-ispatan ang ilang Chinese vessel malapit lamang sa Pagasa Island na teritoryo ng Pilipinas.
Ito ang naging pagbubulgar ni Magdalo Partylist Representative Gary Alejano mula sa kanyang hindi pinangalanang military sources.
Aniya, tatlong araw pa lamang ang nakalipas nang makita sa naturang dako ang dalawang frigates, isang coast guard vessel, dalawang large fishing vessel at mga maritime militia ng China sa layong isa hanggang tatlong nautical mile lamang mula sa hilagang bahagi ng Pagasa Island.
Kasunod aniya ito ng insidente kung saan pinagbawalan ng isang Chinese fishing vessel ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR sa paglapit nito sa sandbar na sakop pa ng naturang isla.
Naniniwala si Alejano na ang naturang pagkilos ng China ay lubhang nakapagdulot ng pag-aalala at panganib lalo’t napatunayan na iba ang sinasabi nito sa publiko at ginagawa naman nito sa pinag-aagawang teritoryo.
Kaugnay nito, nanawagan si Alejano sa gobyerno na seryosohin ang naturang impormasyon at igiit nito ang kaparapatan ng bansa sa naturang teritoryo.
AFP
Biniberipika pa ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang impormasyon na mayroong mga Chinese vessel malapit sa Pagasa Island na teritoryo ng bansa sa West Philppine Sea.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Marine Col. Edgard Arevalo, hinihintay pa nila ang ulat na mula sa Task Force West Philippine Sea sa anumang development sa naturang usapin.
Kaugnay nito, nais rin ng Department of Foreign Affairs o DFA na makumpirma muna ang impormasyon sa mga awtoridad sa ground bago sila magbigay ng pahayag.
By Rianne Briones