Dalawampu’t apat (24) ang patay habang animnapu’t apat (64) ang arestado sa anti-drug operations ng Bulacan Provincial Police sa loob lamang ng 24 oras.
Ayon kay acting Bulacan Provincial Police Director, Senior Supt. Romeo Caramat, sinimulan ang operasyon noong Lunes at nagtapos kasabay ng 429th Founding Anniversary ng lalawigan, kahapon.
Inilunsad ang anti-drugs operation sa mga bayan ng Marilao, Obando, Pulillan, Balagtas, San Miguel, Plaridel, Guiginto, Norzagaray, Santa Maria, Baliwag at San Jose del Monte City.
Nasabat sa operasyon ang 21 baril; mahigit 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng kalahating milyong piso; cash at iba’t ibang drug paraphernalia.
Ito na sa ngayon ang pinakamataas na bilang ng mga napatay sa lehitimong operasyon ng mga pulis simula nang ilarga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang war on drugs.
Samantala, labindalawa ang patay sa magkakahiwalay na anti-illegal drugs operation sa Metro Manila kung saan pinakamarami ang naitala sa Quezon City, simula kagabi.
By Drew Nacino