Ipinaliwanag ni Department of Health (DOH) Spokesman, Dr. Lyndon Lee-Suy na ang pagkahilo, pagsusuka at pananakit ng tiyan ay karaniwang epekto ng pag-inom ng pampurga tulad ng nangyari sa mga estudyante sa Zamboanga peninsula.
Ayon kay Lee-Suy, natural lamang na magkaroon ng side effect sa mga bata na may worm infection ang pag-inom ng deworming tablet dahil senyales ito na tumatalab ang gamot.
Sa katunayan aniya ay matagal pinagplanuhan ang aktibidad at ipinabatid naman ng DOH sa mga magulang ng mga estudyante ang mga posibleng konsekwensya na kaakibat ng pag-inom ng deworming tablet.
“Hindi naman yata makatarungan kung Department of Health mismo ang gagamit ng mga expired na gamot sa ating activity, epekto ito nung gamot na ibinigay natin, dahil precisely gusto nating mangyari nga diba is deworming at ilabas ‘yung mga alaga diyan, may mga pinirmahan ang mga magulang na consent na pinapayagan ang mga anak nilang ma-deworm o mapurga nga, ang importante which is what we wanted to happen as well, tama itong ginagawa nila na ‘pag may naramdaman, magpatingin pa din.” Pahayag ni Lee Suy.
Unang napaulat na, daan-daang grade school students ang na-ospital matapos makainom ng gamot na pampurga sa Dipolog City, Zamboanga del Norte at iba pang lugar sa Mindanao.
Ito’y kasunod ng nationwide deworming activity ng Department of Health o DOH, kahapon, Hulyo 29.
Sinasabing nakaranas ng pagsusuka, pananakit ng tiyan at pagkahilo ang karamihan sa mga batang nakainom ng gamot mula sa DOH.
Ipinaliwanag din ni Lee Suy na maliban sa waiver na pinapirmahan sa mga magulang ng mga estudyante bago sila purgahin, kanila din ipinaliwanag sa mga ito ang mga maaaring maramdaman pagkatapos inumin ang gamot.
Sinabi ni Lee Suy na kanila din inaalam ay kung sinunod ng mga bata ang utos na kumain bago uminom ng gamot.
“Totoo pong may mga na-confined, mga nagpakonsulta after ng ating deworming activity, pero may mga balita din kasing lumabas na may ilan daw na namatay, ‘yung aspetong ‘yun ay walang katotohanan.” Dagdag ni Lee Suy.
Samantala, pinag-aaralan ng Department of Health (DOH) ang pagsasama sa mga pribadong paaralan at sa pre-school sa kanilang deworming activities.
Ito ay upang maabot ang target ng DOH na maging malusog ang lahat ng mga estudyante.
Ipinaliwanag ni Lee Suy na mahalaga ang pampupurga dahil kailangang maalis ang mga bulate na nang aagaw ng nutrisyon ng katawan.
“Ayaw na nating makakita sabi nga natin 3 P ‘yan eh, pandak, payat at poor performance sa school, humihina ang pangangatawan kasi nga parasitiko ito, naaagawan tayo ng mga sustansya at protina na dapat ang katawan natin ang nakikinabang.” Paliwanag ni Lee Suy.
DepEd
Kaugnay nito, milyun-milyong mag-aaral sa public elementary schools sa buong bansa ang nakinabang sa National School Deworming Day o NSDD ng Department of Education (DEpEd), kahapon.
Sinabi ni Education Secretary Armin Luistro na layunin nitong mapurga ang tinatayang 16 na milyong estudyante sa loob lamang ng isang araw.
Kaagapay ng DepEd ang Department of Health o DOH sa programa na naglalayon ding maibsan ang epekto ng bulate sa edukasyon at kalusugan ng mga bata mula sa 81 probinsya sa buong bansa.
By Drew Nacino | Katrina Valle| Ratsada Balita | Jelbert Perdez