Balik- pakikipagbakbakan na ang halos 400 sundalo laban sa natitirang miyembro ng grupong Maute sa Marawi City.
Ito ay matapos gumaling at makarekober na ang ilang tropa ng pamahalaan na unang nasugatan sa ginagawang pa- atake ng mga terorista sa nasabing lungsod.
Nauna rito, dinala sa magkaibang pagamutan ang mga sugatang sundalo at nabisita na rin ng ilang beses ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lungsod ng Iligan at Cagayan de Oro noong nakaraang buwan.
Sa ngayon, umaasa ang AFP o Armed Forces of the Philippines na tuluyan nang matatapos ang kaguluhan at mapulbos na ang di na hihigit sa 50 natitirang terorista sa Marawi.
Civilians rescued
Samantala, nailigtas ng AFP ang apat na sibilyan na nagsisilbing magnanakaw at tagaluto sa Marawi City.
Ayon kay Lt. Col. Emmanuel Garcia, Commander ng 4th Civil Relations Group ng AFP, aabot na sa mahigit 1,700 sibilyan ang nailigtas ng militar sa naturang lungsod.
Paliwanag ni Garcia, nailigtas ang apat na sibilyan matapos makatakas sa mga terorista at makatawid sila sa ilog.
Batay sa impormasyon na ibinigay ng mga nakaligtas, hindi na hihigit pa sa 60 ang mga natitirang terorista sa Marawi.
Nauna rito, sinabi ni Garcia na nasa 400 gusali ang hindi pa nai-clear ng militar.
By Arianne Palma