Hindi na umano nakakagulat ang pagiging vocal ni 2017 Bb. Pilipinas – International Mariel de Leon.
Ito ay ayon sa dalaga na anak nina Christopher de Leon at Sandy Andolong.
Aniya, sa mga mas nakakakilala sakanya normal na lamang ito dahil bago pa man niya nasungkit ang naturang korona ay vocal na siya.
Dagdag pa ni Mariel, maaaring nagulat ang iba dahil hindi ito ang inaasahan nila sa isang beauty queen.
Ngunit, aniya, hindi rason ang pagiging beauty queen para baguhin ang pagkatao niya.
Matatandaang naging kontroberysal si Mariel dahil sa pahayag niya kontra sa pagkaka-appoint kay Mocha Uson bilang assistant secretary ng PCOO o Presidential Communications Operations Office.
Dahil dito, binaha ng mga negatibong reaksyon si Mariel galing sa mga taga-suporta ni Mocha, pero may iba namang mas hinangaan ang paninindigan ng dalaga.