Apat na Pilipino ang nadamay sa nangyaring pag-atake ng mga terorista sa Barcelona, Spain.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ng Consul General ng Philippine Embassy sa Madrid, Spain na si Dr. Emmanuel Fernandez, na ang 4 na Pinoy ay miyembro ng isang pamilya.
Aniya kasalukuyang nasa Ospital del Mar sa Barcelona ang ama na kinilalang si Norman Putot na nabangga sa tagiliran at anak na si Daniel, 5-taong gulang na nagtamo ng seryosong pinsala sa kanyang tuhod.
Sinabi ni Fernandez na minor lamang ang tinamong sugat ng ama ngunit kinakailangang operahan ang anak na si Daniel dahil sa knee injury nito.
Ipinabatid ni Fernandez na ligtas naman ang inang si Federlita at isa pang anak na babae na kinilalang si Pearl.
Mula sa Cebu ang mga biktima ngunit naninirahan na sa Ireland at nasa Barcelona Spain lamang para magbakasyon.
Ani Fernandez, nakikipagtulungan na ang konsulada ng Pilipinas sa Irish Embassy para sa ayuda sa mga biktima.
Matatandaang, hindi bababa sa 13 ang patay at hindi bababa sa 80 ang sugatan matapos na araruhin ng isang van ang mataong lugar ng Las Ramblas sa Barcelona.
Popular ang lugar sa mga turista.
Inako na ng ISIS ang nasabing terror attack.
By Aiza Rendon / Ratsada Balita Interview