Pumalo na sa 746 ang bilang ng mga nasawi sa nagpapatuloy na bakbakan ng militar at ng Maute terror group sa Marawi City.
Ayon kay B/Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP o Armed Forces of the Philippines, 573 rito ang nalagas sa hanay ng mga terorista.
128 naman dito aniya ang nalagas sa panig ng pamahalaan habang napako naman sa 45 ang mga nasasawing sibilyan.
Dagdag pa ni Padilla, nabawi na rin ng militar ang mga IED o improvised explosive device na aabot sa walo gayundin ang 635 armas.
Sa ngayon, nasa 32 gusali na rin ani Padilla ang nabawi na ng militar mula sa kamay ng mga terorista habang patuloy naman ang operasyon ng Amai Pakpak Medical Center na siyang pinagdadalhan sa mga sugatang sundalo.
AFP handang ihatid ang mga estudyante sa MSU
Nakahanda na ang AFP o Armed Forces of the Philippines na dalhin sa Mindanao State University (MSU) ang mga estudyante sa Iligan City at iba pang lugar sa Mindanao na magbabalik eswela na sa susunod na linggo.
Sa Mindanao Hour sa Malakanyang, sinabi ni AFP Spokesperson Brig/Gen. Restituto Padilla na ang muling pagbubukas ng MSU ay isang malaking hakbang tungo sa daan ng pagbabalik normal sa Marawi City.
Ayon kay Padilla, bagama’t may bakbakan pa sa naturang lungsod ay maliit na lamang ang bilang ng natitirang pwersa ng Maute terror group.
Abala na rin aniya ang AFP at PNP o Philippine National Police sa pagtulong sa lokal na pamahalaan ng Marawi City at ng MSU community para sa pagbabalik normal ng unibersidad matapos ang mahigit dalawang buwan.
Ang MSU ay nakatakdang muling magbukas sa Agosto 22.