Nagsagawa ng inspeksyon ang Manila City Office of Veterinarian kasama ang BAI o Bureau of Animal Industry sa mga palengke, katayan ng manok at maliliit na poultry supplier sa lungsod.
Ito ay kasunod na rin ng mga naitalang bird flu outbreak sa San Luis, Pampanga at dalawang bayan sa Nueva Ecija.
Ayon kay Manila City Veterinaran Dr. Vergil Benedict De Jesus kabilang sa kanilang ininspeksyon ay ang Blumentritt market na pinakamalaking bagsakan ng karne ng manok sa lungsod; Paco market; Arangke, Bambang, Quinta market at mga pribadong supermarket at meat shop sa lungsod.
Pagtitiyak naman ni De Jesus, walang indikasyon na nakarating na sa Maynila ang bird flu matapos na makapagpakita ng shipping permit at veterinary health permit ang lahat ng nagtitinda ng mga buhay at karne ng manok sa Maynila.
Dagdag pa ni De Jesus, ang mga manok na ibinibenta sa Maynila ay galing sa: Bacoor, Cavite; Candelaria, Quezon; Sta. Maria, Bulacan; Tanay, Rizal; Abucay, Bataan; Batangas City; Laguna; Antipolo; at Tarlac City.