Napanatili ng bagyong “Isang” ang lakas nito habang bahagya itong bumagal sa 15 kilometro kada oras sa direksyong kanluran hilagang kanluran.
Ayon sa PAGASA o Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration, huling namataan ang bagyong “Isang” sa layong 255 kilometro ng silangan ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 80 kilometro kada oras na may pagbugsong 97 kilometro kada oras.
Inaasahang lalabas na ito ng PAR o Philippine Area of Responsibility sa Miyerkules ng umaga.
Nananatili pa ring nakataas ang storm signal Number 2 sa Batanes group of Islands habang signal number 1 naman sa Babuyan Group of Islands.
Asahan pa rin ang katamkataman hanggang sa malakas na ulan sa bahagi ng Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol at Visayas dahil palalakasin ng bagyong “Isang” ang hanging habagat.