Itinakda na ni Senador Panfilo Lacson sa Huwebes, Agosto 24 ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Kian Loyd Delos Santos at sa istilo ng anti-drug war ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Lacson, agad nyang ipadadala ang imbitasyon sa pagdinig sa sandaling opisyal nang maiparating sa pinamumunuan niyang senate committee on public order and dangerous drugs ang resolusyon ng senado.
Nitong Linggo ng gabi, 14 sa 17 kaalyado ng Pangulong Rodrigo Duterte sa senado ang lumagda sa resolusyong nagpapatawag ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Kian.
Ayon kay Senate President Koko Pimentel, dapat lamang mabusisi ang dami ng pagpatay na sa kanyang palagay ay hindi naman dapat.
Maliban sa kaso ni Kian Loyd Delos Santos, matatandaan na halos 70 katao ang nasawi sa Oplan Galugad ng PNP sa Bulacan at National Capital Region Police Office (NCRPO) sa loob lamang ng dalawang araw.
‘Kian Rally’
Kasado na ang himagsikan para sa ‘Kian Rally’ sa People Power Monument ngayong araw.
Layon nito na hilingin sa pamahalaan ang hustisya para sa pagkamatay ni Kian Loyd Delos Santos sa kamay ng mga pulis sa Caloocan City.
Target rin ng iba’t ibang mga organisasyon na lalahok sa rally na maiparating sa Duterte administration na hindi pagpatay ang solusyon sa problema ng bansa sa droga.
Napag-alamang magkakaroon rin ng kahalintulad na pagkilos ang iba’t ibang organisasyon sa Cebu City.
300 pulis ipapakalat para sa ‘Kian Rally’
Magpapakalat ng 300 pulis ang Philippine National Police (PNP) sa kapaligiran ng People Power Monument kung saan gaganapin ang himagsikan para kay ‘Kian Rally’.
Mahigpit ang tagubilin ng pamunuan ng PNP sa mga pulis na huwag magdala ng baril.
Maliban cito, inatasan rin ng PNP ang mga pulis na magpatupad ng maximum tolerance sa mga raliyista.