Umaasa si Dinagat Island Representative Arlene ‘Kaka’ Bag-ao na aaksyunan na ng mababang kapulungan ng Kongreso ang mga inihaing resolusyon dito na humihiling ng imbestigasyon sa mga kaso ng extra judicial killings (EJK’s) sa bansa.
Ayon kay Bag-ao, kinakailangan nang maimbestigahan ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga nasasawi sa kampanya ng pamahalaan kontra droga at mga menor de edad na nadadamay.
Matatandaang, ilang kongresista na tulad nina Bag-ao, Akbayan Representative Tom Villarin, Camarines Sur Representative Gabriel Bordado, Ifugao Representative Teddy Baguilat at Makabayan Bloc ang naghain ng resolusyon kaugnay sa EJK investigation noong nakaraang taon.
Subalit hindi pa umuusad dahil hindi pa ma-irefer sa mga kinauukulang komite sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Pagkamatay ni Kian Loyd nais na rin paimbestigahan sa Kamara
Nakatakdang maghain ang oposisyon sa mababang kapulungan ng Kongreso ng resolusyon para imbestigahan ang kaso ng pagkapatay sa binatilyong si Kian Loyd Delos Santos sa anti-illegal drugs operation ng Caloocan City police.
Ayon kay Magdalo Representative Garry Alejano, ngayong araw ay may pulong ang oposisyon para lagdaan ang ginawang resolusyon ni Akbayan Partylist Representative Tom Villarin na humihiling ng imbestigasyon sa Kamara kaugnay ng naturang insidente.
Dagdag ni Alejano ang kanilang hakbang ay pagpapakita na rin ng kanilang pagkundena sa pagpatay kay Kian.