Binigyan ng mataas na grado ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang inilunsad na metrowide earthquake drill.
Gayunman, aminado si Tolentino na kailangan ng karagdagang adjustment tulad ng paghikayat na lumahok sa aktibidad ng mga nakatira sa condominium.
Iminungkahi naman ni Tolentino ang pagsasagawa muli ng earthquake drill sa susunod na taon upang masanay ang mga mamamayan sakaling dumating ang “The Big One.”
“7 po ‘yung sa preparedness pero doon sa exercise po siguro, 9 po ‘yun, hindi nga din po ako makapaniwala na naisakatuparan ‘yun, ‘yung mga tenants po ng condominium, tulog kasi ‘yung iba, pinaplano po natin, pero gusto ko lang makuha ang evaluation nito, dapat po ito every year , every July 30.” Pahayag ni Tolentino.
Binigyang-diin ni Tolentino na layon ng isinusulong na shake drill sa 2016 na plantsahin ang mga gusot sa drill ngayong taon.
Makatutulong din aniya ito para sanayin ang mamamayan sakaling dumating ang “The Big One.”
Monthly fire and earthquake drill
Samantala, isinusulong naman ni Senadora Loren Legarda ang pagsasagawa ng buwanang fire at earthquake drill.
Ayon kay Legarda, ang pagsasagawa ng regular na fire at earthquake drill ay epektibong paraan para sa disaster preparedness.
Nakapaloob sa Senate Bill 357 o “Preparedness in Buildings during Fire, Earthquake and other Hazardous Phenomena Act” na inihain ni Legarda ang pagsasagawa ng emergency drill dalawang beses kada school year sa mga school bus at iba pang behikulo na ginagamit sa pagtra-transport ng mga estudyante.
Bukod sa pagsasagawa ng safety drill sa mga eskwelahan at ospital, inaatasan ang mga government at building owners na tiyakin ang structural integrity ng kanilang gusali.
By Drew Nacino | Ratsada Balita | Meann Tanbio | Cely Bueno (Patrol 19)