Tumulong na rin ang Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Amerika sa pagtugis sa Filipino-American na pangunahing suspek sa pamamaslang sa 23-anyos na si Aika Mojica, sa Zambales.
Ayon kay Olongapo City Mayor Rolen Paulino, ibinigay na nila ang kopya ng warrant of arrest na inilabas ng Iba, Zambales RTC Branch 71 para kina Jonathan Dewayne Ciocon Viane, 29-anyos sa FBI Attaché sa US Embassy, sa Maynila.
Gayunman, aminado si Paulino na kahit maaresto ay malabong mapabalik ng Pilipinas si Viane dahil ikukulong ito sa Amerika bilang US Citizen.
Bukod sa Fil-Am, kinasuhan din ang isa pang suspek na si Niño dela Cruz kaugnay sa pamamaslang sa dalaga.
Na-cremate na
Samantala, na-cremate na ang labi ni Aika Mojica, ang biktimang natagpuan sa isang dike sa San Felipe, Zambales.
Kasabay nito ay nanawagan ng katurangan ang pamilya Mojica at agarang pag-aresto sa mga suspek sa pamamaslang.
Ayon kay Erica-Mojica Fernandez, kapatid ni Aika, hindi sila titigil hangga’t hindi naaaresto sina Jonathan Dewayne Ciocon Viane at Niño dela Cruz.
Samantala, napag-alaman na mayroon umanong galit si Viane kay Mojica, na matalik na kaibigan ng kanyang dating asawang si Liane, dahil sa pagkukuwento ng mga aktibidad ng Filipino-American sa Pilipinas.
By Drew Nacino