Pinatitiyak ni Senate President Koko Pimentel na hindi isang uri ng diversionary tactic o paglihis sa tunay na isyu ang pag-aakusa at pagsasalita ni outgoing Customs Commissioner Nicanor Faeldon laban kay Senador Panfilo Lacson.
Ito ay matapos na ihayag ni Faeldon na sangkot umano sa smuggling ng semento ang anak ni Lacson na si Pampi.
Ayon kay Pimentel, kanyang ipinagtataka kung bakit ngayon lamang nagsalita si Faeldon, matapos ang privileged speech ni Lacson kahapon kung saan isiniwalat nito ang mga sangkot at tumatanggap ng tara o payola sa BOC o Bureau of Customs.
Giit ni Pimentel, kung noong nakaraang taon pa nangyari, sa pagkaupo ni Faeldon ang sinasabing pag-aangkat ng kompanya ni Pampi ay bakit hindi agad na inaksyunan ni Faeldon.
Dapat rin aniya, ihayag ni Faeldon lahat ng kanyang nalalaman sa mga kaduda-dudang aktibidad sa BOC at hindi lamang i-single out ang pagkakasangkot ng anak ni Lacson sa smuggling.