Pormal nang inendorso ni Pangulong Benigno Aquino III si Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas bilang pambato ng Partido Liberal sa 2016 Presidential elections.
Ayon sa Pangulo, dumaan sa masusing pagsala ang pagpili niya ng mamanukin para sa susunod na halalan.
Ito ay kung saan maka-ilang beses aniya niyang pinulong sina Roxas, Senadora Grace Poe at Senador Chiz Escudero.
Pero, binigyang diin ng Pangulo na si Roxas ang nasisiguro niyang magpapatuloy sa mga repormang kanyang nasimulan sa pamamagitan ng Daang Matuwid.
Iginiit ng Pangulo na malinaw na si Roxas ang karapat-dapat na maging susunod na maging Pangulo ng Pilipinas.
Sa huli, nanawagan ang Pangulo sa publiko na suportahan ang kandidatura ni Roxas sa 2016.
Pormal na ding tinanggap ni DILG Secretary Mar Roxas ang hamon para tumakbong Pangulo ng Pilipinas sa darating na eleksyon.
Sinabi ni Roxas na isang malaking karangalan ang ipagpatuloy ang nasimulang tuwid na daan ng administrasyong Aquino.
Sumumpa si Roxas na ipagpapatuloy nito ang legasiya ng mga magulang at maging ni Pangulong Benigno Aquino III.
By Ralph Obina | Rianne Briones | Jonathan Andal
Photos Here:
Photos Courtesy of: Jonathan Andal and Chris Barrientos