Iniimbestigahan na ng BAI o Bureau of Animal Industry ng Department of Agriculture o DA kung paano nakapasok sa bansa ang H5N6 strain ng bird flu na tumama sa San Luis Pampanga.
Ayon kay Dr. Arlyn Vitiaco ng BAI, hindi nila iaalis ang posibilidad na nagmula ito sa mga imported na manok.
Ang H5N6 strain rin aniya ng bird flu ang tumama noong 2014 sa China at sa Vietnam, Korea, Japan at Myanmar nito lamang nakaraang taon kung saan may mga tao na nadamay.
Gayunman, wala naman aniyang dapat ipangamba sa strain na ito dahil napakababa ng posibilidad na lumipat ito sa tao dahil direct contact sa infected na manok ang kailangan para ito mangyari.
Pinawi rin ni Vitiaco ang pangamba na lumipat pa sa ibang lugar ang H5N6 strain na nasa San Luis Pampanga.
“Ngayon po nagsasagawa na sila ng cleaning and disinfection, kaya nga ang ini-emphasize ko din sa mga mag-di-disinfect, kailangan linisin nilang maigi, dapat malinis muna, wala nang mga ipot na nakakapit sa mga bahay, maski sa ground kasi kapag may ipot ay nandiyan lang po ang virus, nasa ilalim, lalo na yung nasa illaim ng bahay ng mga poultry hindi maaabot ng disinfectant kung ibabaw lang, kaya ang mahalaga ay matanggal muna ang mga ipot.” Pahayag ni Vitiaco.
By Len Aguirre | Ratsada Balita Interview