Nagpalabas ng abiso ang MMDA o Metropolitan Manila Development Authority kaugnay ng nakatakdang road repairs at reblocking na isasagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bahagi ng Quezon City, Pasig at Caloocan City ngayong weekend.
Ayon sa MMDA, magsisimula ang pagsasaayos ng DPWH mamayang 11:00 ng gabi na tatagal hanggang 5:00 ng umaga sa Lunes, Agosto 28.
Kabilang sa mga maaapektuhang lugar ay ang northbound ng EDSA sa bahagi ng North Avenue; MacArthur Highway malapit sa Monumento sa Caloocan; Mindanao Avenue bago sumapit ng Sauyo Road; at CP Garcia Avenue mula Ginhawa Street hanggang Katipunan.
Gayundin ang southbound ng Bonifacio Avenue sa pagitan ng Mauban Street hanggang Dome Street, Rodriguez Jr. Avenue bago mag-Green Meadows at paglagpas ng Boni Serrano Flyover; at sa C5 Road malapit sa Julia Vargas, Pasig City.
Kasunod nito inaabisuhan ng MMDA ang mga motorista na kung maaari ay umiwas sa mga nabanggit na kalsada o dumaan na lamang sa mga alternatibong ruta.