Pinayuhan ni Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Vice Mayor Paolo na humarap sa pagdinig ng senado.
Ayon kay Cruz, ito ay upang malinis ang pangalan ni Paolo sa pagkakasangkot sa smuggling ng mahigit anim na bilyong pisong halaga ng shabu na nakapuslit sa BOC o Bureau of Customs.
Sinabi ni Cruz, hindi na dapat pang hintayin ni Paolo ang imbitasyon ng senado na dumalo sa isinasagawang pagdinig.
Giit ng Obispo, mahalagang malinis ni Paolo ang kanyang pangalan lalo’t nakakahiya aniya na ang pangunahing adbokasiya ng kanyang ama ay ang pagsawata sa iligal na droga subali’t nasasangkot ang anak nito.
Binigyang diin din ni Cruz na ang katotohanan ay isang kabutihan na hindi lamang sa salita kundi pati sa gawa kaakibat ng pagbabantay laban sa panloloko at pananamantala.