Simula na ang ika nga “election fever” bagamat malayo pa ang paghahain ng Certificate of Candidacy sa Oktubre at mismong campaign period bago ang May 2016 election.
Kaya ko nasabing eto na ang election fever, ay dahil kanya-kanya nang deklarasyon ng mamanukin ng bawat partido.
Ngayong araw ay natunghayan natin ang pag-endorso ni Pangulong Noynoy Aquino bilang standard bearer ng Liberal Party si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas.
Wala naman tayong nakikitang masama rito at nararapat lang naman na si Sec. Roxas ang magiging pambato ng Aquino Administration, dahil sino ba naman ang magpapatuloy ng sinimulang reporma at pagbabago sa imahe ng gobyerno ay dapat yaong nasa mismong poder ng kasalukuyang administrasyon.
Malinaw na may ika nga “gentleman’s agreement” ang dalawang opisyal, matapos magparaya ang isa noong nakaraang halalan pampanguluhan.
Sino ba naman ang hindi tutupad sa usapan kung ang nakataya rito ay ang mga programang sila mismong dalawa ang nagpanday at nagpatupad.
Kaya naman, mas lumilinaw na magkakaroon tayo ng dikitang laban sa pagka-Pangulo lalo’t dalawa na sa mga bigating personalidad ang nagdeklara ng kanilang hangaring maging lider ng bansa sa 2016, isa na rito ay si Vice President Jejomar Binay.
Tanging inaatabayanan na lamang kung tutuloy ba sa karera sina Senadora Grace Poe at Davao City Mayor Rodrigo Duterte na silang matunog ding kakandidato, pero sa ngayon ay dibdiban pang pinagiisipang kung lalahok sa halalan.
Kung pagpalagay nating tumakbo pa ang dalawang ito, ay siguradong ang taumbayan ang malalagay sa mahirap na desisyon lalo’t kayo o tayo ang kikilatis sa susunod na Pangulo sa loob ng anim na taon muli.
Pero, siguro panawagan na rin natin sa ating mga kababayan, na tulungan tayo upang manawagan sa mga politiko na nangangarap na magpahalal sa eleksiyon, na maglaan ng oras at panahon para kausapin niyo ang inyong konsensiya, kung dapat pa ba kayong tumakbo.
Dahil sa tagal nang panahon, wala pa akong nakikitang politiko na nagsabing siya ay uurong sa halalan, kahit alam niyang ambisyon lamang ito at tanging gawin niya lamang kapag nasa poder na ay magnakaw at maghari-harian lamang.
Puwes, kung may gagawa ng matinding sakripisyo, tatanawin naming itong isang kahanga-hangang hakbang.
Please naman, kung alam mo sa puso’t-damdamin mo na ikaw ay tiwaling opsiyal, huwag ka nang tumakbo, parang awa mo na!