Planong simulan ng DepEd o Department of Education ang random drug test sa mga mag-aaral sa sekondarya ngayong school year.
Ayon kay Assistant Secretary Tonicito Umali, nakasaad sa schedule na inilatag ng DepEd order no. 40, nakatakdang simulan ang drug test sa pampublikong paaralan ngayong school year 2017-2018 habang sa 2018-2019 naman sa mga pribadong paaralan.
Samantala, muling tiniyak ng DepEd na ‘confidential ‘ o hindi isasapubliko ang pagsusuri at tanging DepEd at Department of Health lamang ang may karapatang makialam sa programa.
Sinabi pa ni Asec. Umali na hindi maaring gamitin sa anumang criminal proceedings ang resulta ng random drug test.
Kaugnay nito, wala umanong dapat ipangamba ang mga magulang ng mga mag-aaral dahil layon lamang ng programa na matukoy kung gaano na kalala ang epekto ng illegal na droga sa mga mag-aaral , guro at maging sa mga staff ng DepEd.
By Arianne Palma