Posibleng hilingin ng Department of Finance o DOF kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto na lamang ang pinalabnaw na bersyon ng panukalang tax reform measure ng administrasyon.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez, ito’y dahil sa pangambang madiskaril nito ang mga nakahanay na infrastructure projects ng administrasyon.
Batay sa bersyon ng Kamara, makapagtatala ng 1.16 na trilyong pisong kita ang pamahalaan mula taong 2018 hanggang 2022 na mas mababa kumpara sa orihinal na pagtaya na 1.26 na trilyong piso.
Dapat isaalang-alang ayon kay Dominguez na maraming dapat pagkagastusan ang gobyerno lalo’t sunud-sunod na ang mga ipinatatayong imprastraktura na hindi kinakailangang isailalim sa PPP o Public Private Partnership.
By Jaymark Dagala