Umalma si Chief Inspector Jovie Espenido sa pagtawag sa kanya bilang executioner.
Matatandaan na nag-ugat ito sa pagkakapatay ng mga mayors na sangkot sa illegal drugs sa lugar kung saan naitatalaga si Espenido.
Ayon kay Espenido, dapat ring tignan ang kanyang track record kung talagang mayroong pattern na namamatay ng lahat ng subject ng kanyang operasyon.
Napag-alaman kay Espenido na anim na mayors na ang naging subject ng kanyang operasyon at isa lamang dito ang nasawi sa katauhan ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog.
“Anong executioner? nagtatrabaho tayo at nag-iimplement tayo ng batas at hindi pumapatay, bigyan natin ng respeto ang bawat isa, adbokasiya natin yung human rights, sa 100 plus na nahuli nating pusher, dalawa lang patay sa 100 plus.” Ani Espenido
‘Willing to listen’
Nakahandang kausapin ni Chief Inspector Jovie Espenido si Mayor Patrick Mabilog ng Iloilo City sakaling malipat na siya doon bilang hepe ng PNP o Philippine National Police.
Reaksyon ito ni Espenido matapos sabihin ni Mabilog na handa siyang makipagtulungan sa kampanya ng pamahalaan kontra illegal drugs.
Ipinahiwatig ni Espenido na kailangang marinig niya ang paliwanag at mga naging aksyon ni Mabilog upang malinis ang kanyang pangalan mula sa pagkakasama nito sa ‘narco-list’ ng Pangulong Rodrigo Duterte.
“Kausapin siya kung gusto niya at pagkatapos gagawin natin ang trabaho natin na may pagrespeto sa mga taong nasa posisyon, gusto kong kausapin ang mga taong nasa ground, gusto kong kausapin yung nasa mababa para at least malaman natin hindi lang sa isang tao kundi sa lahat.” Ani Espenido
Sa ngayon, sinabi ni Espenido kung kelan siya ililipat sa Iloilo City makaraang ipahayag na ito sa publiko ng Pangulong Duterte.
Gayunman, isa aniya sa mga una niyang gagawin kapag naupong hepe ng pulisya sa Iloilo ay balasahin ang mga opisyal ng pulisya doon.
“Sa akin naman hindi ko hilig ang magpalit ng tao, siguro may dala lang akong tao, siguro sa officials ganun kasi iba ang batas, kapag may ginawang mali ang nasa baba nasa lider yan, a good leader must be a good follower.” Pahayag ni Espenido
By Len Aguirre / Ratsada Balita Interview