Planong sampahan ng kasong libel ni Raquel Pempengco ang anak na si Jake Zyrus at ang mga bumubuo ng drama program na Maalaala Mo Kaya.
Ito ay matapos ipalabas sa nasabing programa ang buhay ni Jake na unang nakilalang si Charice Pempengco kung saan ikinuwento rito ang pamimilit umano ni Raquel sa anak na sumali sa mga contest noon.
Maging ang pagwaldas umano nito sa perang kinikita ni Jake noong aktibo pa ito sa international scene at pagsasalita ng hindi magaganda at pananakit umano sa anak.
Ayon kay Raquel, may nakonsulta na siyang mga abogado at pinayuhang maaari niyang sampahan ng reklamo ang Maalaala Mo Kaya Production at si Jake.
Giit ni Raquel, nasira ang kanyang pagkatao at pagiging ina sa buong mundo matapos na ipalabas ang nasabing episode na hindi siya nakokonsulta.
Sinabi pa ni Raquel na marami aniya ang makapagpapatunay na malayo sa katotohanan ang mga inilahad na kuwento ni Jake.
Dagdag ng ina ni Jake, posibleng ihain na niya ang reklamo ngayong linggo kapag nakaluwas siya ng Maynila mula Laguna.
By Krista de Dios