Nagkapalitan ng maaanghang na salita sina Senator Antonio Trillanes IV at Senator Richard Gordon sa nagaganap na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa P6.4 billion drug shipment na mula sa China.
Ito ay matapos na tawagin ni Trillanes na “komite de abswelto” ang Blue Ribbon panel.
Inihayag ni Trillanes na tila hina-harass umano nina Gordon at Senate Majority Leader Vicente Sotto III ang Customs fixer na si Mark Taguba sa pagtatanong ng mga ito kaugnay sa umano’y pera na ibinigay ni Taguba sa “Davao Group.”
Una nang sinabi ni Trillanes na sina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Manases Carpio ang nasa likod umano ng nasabing grupo na idinadawit sa smuggling sa Bureau of Customs.
“Are you accusing the chair or Senator Sotto of badgering the witness?” ani Gordon at sumagot naman si Trillanes: “If you feel alluded to, then yes.”
Dahilan upang suspendihin ni Gordon ang hearing at ipina-cite for contempt si Trillanes.
Tinutulan naman ito ni Trillanes at iginiit na hindi umano ‘one-man committee’ ang Blue Ribbon panel.
Tumindi pa ang tensyon nang sabihin ni Gordon na sasampahan niya ng ethics complaint si Trillanes.
“The trouble with this gentleman, every time he does not like [something], he will conduct a coup, he will be forgiven, and he will conduct another coup.” Ani Gordon
Pumagitan naman si Sotto at pinutol ang tensyon sa dalawa sa pamamagitan ng pansamantalang break ng sesyon.
Trillanes handang harapin ang ethics complaint
Handang harapin ni Senador Antonio Trillanes ang anumang ihahaing ethics complaint ni Senate Blue Ribbon Committee Chair Richard Gordon.
Ayon kay Trillanes, kitang-kita naman ang pagharang umano ni Gordon upang hindi maipatawag sa senado ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte maging si Atty. Mans Carpio na asawa ni Davao City Mayor Sarah Duterte, na kapwa nababanggit ang mga pangalan sa kontrobersya sa Bureau of Customs (BOC).
Kasabay nito, tiniyak ni Trillanes na dadalo pa rin ito sa mga pagpupulong ng blue ribbon committee.
Gordon humingi ng paumanhin sa publiko
Humingi ng paumanhin sa publiko si senate Blue Ribbon Committee Chair Richard Gordon sa nangyaring bangayan nila ni Senador Antonio Trillanes IV.
Ito ay kaugnay sa sagutan nila ni Trillanes na inakusahan silang nag-aabogado kay Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Mans Carpio habang tinawag din nitong “komite de abswelto” ang blue ribbon committee.
Sinabi ni Gordon na hindi niya maaaring palagpasin ang naging asal ni Trillanes na sinisiraan aniya ang reputasyon ng senado.
By Aiza Rendon / Ralph Obina