Kumambiyo ang Malakanyang sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa judicial system ng France.
Ito ay kasunod ng pag-alma at paggigiit ng French embassy na ang Presumption of Innocence Until Proven Guilty ay isinasaad din sa French declaration of human and civil rights.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, iisa ang values ng Pilipinas at France sa paggalang sa human rights, due process at pagpapahalaga sa presumption of innocence.
Sinabi pa ni Abella na ang mga naging pahayag ng Pangulo ay nagpapakita lamang na walang perpektong judicial o legal system sa buong mundo.
Matatandaang noong Lunes ay kinastigo ni Pangulong Duterte si UN Special Rapporteur Agnes Callamard at binigyang diin na iba ang batas na umiiral sa France kung saan ikinukulong muna ang mga suspek hanggang sa mapatunayang inosente taliwas sa Pilipinas na inosente hanggang sa mapatunayang nagkasala.